Isang 11-anyos na babae ang himalang nakaligtas matapos na ma-stranded ng tatlong araw sa isang swipwreck sa karagatang sakop ng Lampedusa islands sa bansang Italy.
Batay sa naging salaysay ng dalagita, sumakay sila ng kaniyang pamilya sa isang barko mula sa Sfax City sa bansang Tunisia. Kasama umano nila ang hanggang 45 katao.
Nang malapit na sa isla ng Lampedusa, tuluyan umanong lumubog ang kanilang sinasakyang barko dahil sa isang malakas na bagyo.
Sa ngayon ay hindi pa rin nakakapaglabas ng buong detalye ang survivor kasunod ng pagkakasalba nito mula sa bumaliktad na barko.
Gayonpaman, sa naging salaysay ng German-based charitable organization na Compass Collective, nadaanan umano nila ang dalagita sa karagatang sakop ng naturang isla, madaling araw nitong Miyerkules, Disyembre 11.
Ang naturang organisasyon ay nakasakay sa isang bangka papunta sa isang rescue operation nang swerteng makita nila ang survivor.
Sakay ang dalagita sa isang improvised life ring na gawa mula sa inner tube ng mga gulong. Suot din nito ang pinagtagpi-tagping life jacket.
Ayon sa mga rescuers, ikinuwento umano ng dalagita na ilang araw na siyang hindi kumakain at umiinom. Siya rin ay nakitaan ng hypothermia, ngunit nananatiling ‘responsive’ nang siya ay kausapin.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng Italian Red Cross ang dalagita habang patuloy pa ring nagpapagaling mula sa tatlong araw paglutang-lutang sa karagatan.