-- Advertisements --

11 TAONG GULANG NA ESTUDYANTE SA NEGROS ORIENTAL, MINARTILYO SA ULO NG ISANG LALAKING MAY PROBLEMA SA PAG-IISIP

Patuloy pa ngayong nagpapagaling sa pagamutan at hindi pa makausap ang isang 11 taong gulang na estudyante matapos itong minartilyo ng isang lalaking may deperensya sa pag-iisip kahapon, Setyembre 25, sa Puhagan Elementary School sa Valencia Negros Oriental.

Nakilala ang biktima na si alyas Jake habang ang suspek ay kinilalang si Nemesio Venerable.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Christopher Castro, Officer-in-charge ng Valencia Police station, sinabi nitong pumasok ang suspek sa isa sa mga silid-aralan at kung sino sa mga ito ang demonyo.

Sumagot pa umano ang bata ng “ambot” o ibig sabihin ay ewan kaya siya ang naging target nito at hinampas ng makalawang beses ang ulo nito gamit ang martilyo.

Sinabi pa ni Castro na batay sa pahayag ng suspek, nagawa nito ang ganung bagay dahil may nag-utos at bumulong sa kanya na gawin ito sa bata.

Dagdag pa nito na wala namang rekord si Venerable na nagwala o nanakit ng ibang tao ngunit isinailalim na rin umano ito sa rehab dati.

Kumpiyansa rin umano ang mga bantay na tanod na labas-masok ito sa paaralan dahil inuutusan din ito minsan ng mga guro na gumawa ng minor repair kaya dala-dala din nito ang martilyo at lagari.

Sa ngayon, aniya, dinala sa Talay Dumaguete Rehabilitation Center ang suspek at sinampahan na ng kasong serious physical injury.

Saad pa ni Castro na kahit may problema ito sa pag-iisip, sasampahan pa rin nila ng kaso at ang korte na umano ang bahalang magdetermina sa criminal liability nito.