BACOLOD CITY – Kaagad na sumuko sa police station ang driver ng truck na nakasagasa sa 11-anyos na lalaki na pipi at bingi sa lungsod ng Bacolod kahapon ng hapon.
Durog ang parte ng katawan ng biktima na si Christian Sabillo ng Purok Boluevard, Barangay 14, lungsod ng Bacolod ng magulungan ng truck na minamaneho ni Reagan Requiron ng Brgy. Andres Bonifacio, Sagay City.
Sa panayam sa commander ng Police Station 1 na si Major Jovil Sedel, 30-minutos pa ang nakaraan at nakapagkape na ang driver bago nito nalaman na naapakan ng kanyang truck ang biktima.
Napag-alaman na nagpapalipad ng saranggola ang bata nang masagasaan ng truck na may karga na 500 sako ng asukal.
Sa panayam ni Bombo Radyo Bacolod sa kuya ng biktima na isa ring menor de edad, sinasabing palaging tumatambay sa lugar ang kanyang kapatid at nangunguha ng scrap at nagpapalipad ng saranggola.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang desisyon ng pamilya kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa driver ng truck.