-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang bata nang malunod sa ilog sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Robert Isapine, 11, residente ng Barangay Luz Village, M’lang, Cotabato.

Ayon kay MDRRM M’lang officer Bernardo Tayong naligo ang biktima sa ilog sa Barangay Palma Perez sa bayan ng M’lang kasama ang kanyang mga kaibigan.

Napadako ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog at hindi na makita ng kanyang mga kaibigan.

Pahirapan din ang rescue team ng MDRRM-M’lang na iahon ang katawan ng bata dahil sumabit ito sa ilalim ng ilog.

Sa pagsisikap ng MDRRM rescue team at ilang mga residente ay naiahon ang bangkay ni Isapine.

Nagpaalala si Tayong sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak para hindi magaya sa sinapit ng biktima.