-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Sinampahan na ng kasong rape na may kaugnayan sa child abuse ang ama at tiyuhin ng menor de edad na biktima na umano’y ginawang “parausan” sa loob ng dalawang taon sa Sto. Niño, Cagayan.

Ito’y sa kabila ng pagtanggi ng ina ng 11-anyos na biktima na kasuhan ang mga hindi na pinangalanang suspek na kanyang mister at 14-anyos na kapatid ng kanyang asawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, dismayado si P/Capt. Arnulfo Gabatin, hepe ng Sto. Niño-Philippine National Police, dahil sa pagpapabaya ng ina ng dalagita na tangkang itago ang krimen sa kabila ng pag-amin sa pulisya ng ama ng bata sa panggagahasa.

Lumalabas din na positibong hinalay ang biktima base sa medico legal.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ang arrest warrant para maging legal ang pag-aresto sa magkapatid.

Una rito, dumulog sa pulisya ang biktima na sinamahan ng kanyang lola na siyang nagsampa ng kaso, upang ireklamo ang sariling ama at tiyuhin.

Kuwento ng biktima, siyam na taong gulang pa lang siya nang simulan itong halayin ng noon ay 12-anyos na tiyuhin taong April 2017.

Nagpatuloy naman ang panggagahasa sa biktima ng kanyang sariling ama noong March 2018 kung saan ito ay habang nanonood siya ng telebisyon sa kanilang bahay, at nasundan nito lamang Agosto 31.

Hinala ng pulisya na posibleng naulit ng ilang beses ang panggagahasa sa biktima na hindi agad nakapagsumbong dahil sa takot at kahihiyan dahil sa tatay at tiyuhin pa niya mismo ang mga suspek.

Ayon kay Gabatin, nasa ibang bansa ang nanay ng biktima nang nangyari ang paggagahasa at kakauwi lamang niya kamakailan.

Una pa itong pinagsumbungan ng biktima sa kanyang sinapit subalit hindi pinakinggan, bagkus ay nagpagawa pa ng kasunduan sa barangay na hindi na ito magsasampa ng kaso.

Nilinaw ni Gabatin na hindi sakop ng kapangyarihan ng barangay ang pamamagitan o pagkakasundo (mediation) sa mga kaso na maituturing na “heinous crime” o karumal-dumal na krimen tulad ng rape.

Ang maaari lamang aniya gawin ng barangay ay tulungan ang biktima na makapaghain ng reklamo sa Women and Children’s Protection Desk o sa National Bureau of Immigration.

Nabatid na naiparating na rin ng pulisya sa Municipal at Provincial Social Welfare and Development Office ang pangyayari at inirekomenda na ibigay ang biktima sa pangangalaga ng kanyang lola na nasa ibang bayan.

Dahil sa naranasang trauma, sinabi ni Gabatin na kapansin-pansin ang kakaibang ikinikilos ng biktima bukod pa sa pagiging tulala.