-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang mataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at10 nitong mga kasamahan ang sumuko sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga sumuko ay pinangunahan ng isang Kumander Nino EIbrahim at kanyang mga tauhan na sina Mohidin Kusain, Mehad Guiamandal, Jiad Ebrahim, Jiamil Ebrahim, Gapor Damada, Indal Damada, Wari Damada, Hamui Amil, Kalim Zukamen at Ausain Sawsana ng BIFF Karialan faction.

Sumuko ang mga rebelde sa tropa ng 6th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Charlie Banaag sa Sitio Landing Fish Barangay Buayan Datu Piang Maguindanao at sa tulong ng Ist Mechanized Infantry Brigade, 90th IB at 602nd Brigade.

Dala ng labing isang BIFF sa kanilang pagsuko ang tatlong M16 Armalite rifles,isang Browning automatic rifle,isang caliber 50 Sniper Rifle, 1 Caliber 30 Sniper Rifle, 1 Caliber 30 Garand Rifle,dalawang M14 Rifles,isang 40mm M79 grenade launcher, mga bala at mga magazine.

Inamin rin ni Kumander Ebrahim na kabilang sila sa mga umatake sa bayan ng Datu Piang at sumuko sila dahil gusto na nilang mamuhay ng mapayapa.

Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy ang mga tumulong sa negosasyon sa pagsuko sa mga rebelde.

Hinikayat naman ni MGen Uy ang ibang BIFF na sumuko na at magbagong buhay kasama ang kanilang mga mahal na pamilya.