LEGAZPI CITY – “Manageable” pa ang nararanasang sintomas ng 11 sa 20 tripulante na una nang natukoy na positibo sa COVID-19 at lulan ng MT Clyde at barge Claudia na kasalukuyang naka-angkla sa karagatang sakop ng Albay para sa quarantine.
Una nang nabatid na bumiyahe mula sa Indonesia ang mga ito, sumaglit sa Butuan City para sa RT-PCR test at ngayo’y nasa municipal waters ng Sto. Domingo sa lalawigan.
Sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Bicol information officer Gremil Naz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, target na makapagsagawa rin ng testing sa iba pang crew sa mga susunod na oras lalo na sa posibilidad ng hawaan.
Maingat rin umano ang gagawing paglilipat sa coal na karga ng barge patungo sa kalupaan lalo pa’t combustible material ito na magdadala rin ng panganib sa kapaligiran.
Samantala, tiniyak ng incident management team sa pangunguna ng Philippine Coast Guard ang pinaigting na maritime security at monitoring, maging ang kahandaan sa pag-alalay sa tulong medikal, kung kakailanganin ng mga tripulante.
Kasabay nito ang pagsiguro na walang makakalapit na sasakyang pandagat dito at walang makakababa na crew, para makontrol ang pagkalat ng nakakahawang virus.