CEBU CITY – Patay ang umaabot sa 11 elementary students matapos maaksidente ang sinakyang mini-dump truck sa Sitio Lingatong, Barangay Upper Becerril sa bayan ng Boljoon, Cebu, kaninang umaga.
Ito ang kinumpirma ni Robin Nieri ang tagapagsalita ng alkalde sa nasabing bayan.
Ayon kay Nieri, nanggaling sa Nangka Elementary School ang mga estudyante at papunta sana sa bayan para sa kanilang district meet.
Inihayag nito na pag-aari ng munisipyo ang nasabing dump truck na siyang kumarga ng nasa 20 mga estudyante kasama na ang ibang mga magulang.
Aniya, nawalan umano ng preno ang truck kaya naman ay ibinangga ng drayber na si Danilo Nieri sa kaliwang bahagi ng talampas upang hindi sila mahulog sa napakalalim na bangin sa kanang bahagi.
Ngunit dahil sa malakas na impact ay bumaligtad ang nasabing dump truck at nadaganan ang iba mga sakay nito.
Mabilis namang rumesponde ang disaster team ng nasabing bayan at agad na dinala sa district hospital ang mga biktima ngunit sa kasawiang palad dahil na rin sa natamong grabeng sugat sa katawan, binawian ng buhay ang marami sa mga estudyante.
Habang patuloy naman na ginagamot at inoobserbahan ang iba pang mga nasugatan.
Nabatid na kahilingan ng DepEd provincial district na dalhin ang nasabing mga estudyante mula sa kanilang paaralan at dalhin sa bayan para sa kanilang sports events.