-- Advertisements --
WHO CORONAVIRUS

Patuloy pang inaantabayanan ang resulta ng serye ng laboratory test ng 11 pasyente na under observation dahil sa Wuhan coronavirus.

Sa Laging Handa briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na ang mga ito ay itinuturing na persons under investigation (PUIs).

Ang mga PUIs ay may history ng pagbiyahe sa Wuhan City sa China na sinasabing pinagmulan ng N-CoV.

Ayon kay Sec. Duque, pawang mga Chinese nationals, Brazillian, German at Amerikano ang mga ito na kasalukuyang naka-confine sa iba’t ibang ospital mula sa NCR, MIMAROPA, Northern Mindanao, Western Visayas, Eastern Visayas at Central Visayas.

Sa ngayon nananatiling N-CoV free ang Pilipinas.

Samantala, Walang balak ang Department of Health (DOH) na irekomenda ang pag-iwas muna sa mga Chinese nationals na nasa bansa kaugnay sa Wuhan coronavirus.

Magugunitang nagsimula ang nasabing bagong coronavirus sa Wuhan, China at karaniwang carrier ang mga Chinese nationals.

francisco duque III
Health Sec. Francisco Duque

Sinabi ni Sec. Duque magiging paglabag ito sa karapatang pantao at hindi nila nakikita ang pangangailangang iwasan ang mga Chinese kahit ang mga galing sa Wuhan, China.

Inihayag pa ng kalihim, may sinusunod namang protocol ang DOH para maiwasan ang pagkalat ng N-CoV sa bansa gaya ng paghigpit pa ng quarantine procedures at monitoring sa mga pumapasok na dayuhan sa mga paliparan.

Samantala, nakatakdang magpupulong ang DOH at Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-aralan kung kailangan ng magpatupad ng travel advisory sa China.