BUTUAN CITY – Naipasakamay na ng Bislig City local government kasama ang mga personahe ng Community Environment and Natural Resources (CENRO) sa Pag-asa Farms Wildlife Rescue Center sa Davao City ang 11-talampakang haba ng saltwater crocodile na nahuling pumasok sa isang fish pond ng Brgy. Pamanlinan sa nasabing lungsod.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni CENRO Nathaniel Racho na pasado alas-10:30 nitong nakalipas na gabi nang mapansin ng mga tao sa fish pond na pag-aari ni Alfredo Bernosa na papasok na ito hanggang sa napadpad sa lambat kung kaya’t kaagad nila itong tinalian.
Kaagad naman silang nakipag-ugnayan sa CENRO at sila na ang lumapit sa Consultative Development Division ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga upang ma-rescue ang nasabing buwaya na gayon ay nasa pangagalaga na ng kanilang dinalhang wildlife rescue center.