LA UNION – Arestado ang 11 indibiduwal na kinabibilangan ng anim na umano’y pensiyonado matapos ang anti-illegal gambling operation ng mga otoridad sa magkahiwalay na lugar sa La Union.
Kabilang sa anim na mga pensiyonado ang 61 na retired nurse; 79 at 80-anyos na lola; 60-anyos na lalaki; 57-anyos na mister at 37 na binata, pawang residente ng Agoo, La Union.
Naaktuhan umano ng mga pulis na naglalaro ng mahjong sa Barangay San Nicolas Central, Agoo, La Union ang mga suspek.
Kasabay ng pagkakaaresto ng anim na suspek, kinumpiska rin ang dalawang set ng mahjong tiles, mahjong pad, mahjong table, mahjong chips, dice at bet money na aabot ng P445 sa iba’t ibang denominasyon.
Samantala, sa iba pang operasyon, arestado naman ang limang katao sa Barangay Bail, Sto. Tomas, La Union dahil pa rin sa paglabag sa PD 1602.
Kabilang sa mga inaresto ang dalawang 18-anyos na babae at lalaki, 36 at 32-anyos na mister at isang 27-anyos na misis na mga residente ng naturang lugar.
Maliban sa isang set ng baraha, kinumpiska din ng mga otoridad ang bet money na aabot sa P425.