-- Advertisements --
image 101

Iniulat ng Office of the Civil Defense na nasa 11 katao ang namatay dahil sa epektong dulot ng mga pag-ulan dala ng low pressure area (LPA) na namataan sa may silangan ng Surigao del Sur.

Ayon kay OCD Joint Information Center head Diego Agustin Mariano, apektado ang nasa 263,906 indibidwal o 63,101 mga pamilya sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao, at Bangsamoro.

Sa mga apektadong populasyon, nasa mahigit 3, 000 indibdiwal o 815 pamilya ang na-displaced.

Nakapagtala rin ng pinsala sa mga imprastruktura na pumapalo na sa mahigit P125 million habang sa pinsala naman sa sektor ng agrukultura ay umaabot sa P77.9 million.

Samantala, bagamat maliit ang tiyansang maging bagyo, magdadala naman ang LPA ng katamtaman hanggang sa malakas at matinding pag-ulan sa bahagi ng Sorsogon, Masbate, Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao Del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte.

Mahina hanggang sa katamtaman at minsan ay malakas na pag-ulan ang mararanasan naman sa Agusan del Sur, Davao region at Northern Mindanao, gayundin sa natitirang bahagi ng Bicol at Visayas.

Ibinababala din ng mg awtoridad ang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng ulan lalo na sa mga lugar na vulnerable sa ganitong mga kalamidad.