-- Advertisements --

Naalarma na ang Indonesia sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 kung saan punuan na ang mga ospital, ilan ang namamatay na pasyente sa kanilang mga tahanan at nagkukumahog sa kawalan ng oxygen tanks.

Na-detect ang kaso ng Delta variant sa 11 lugar sa labas ng Java island sa Indonesia ayon sa Health Ministry ng bansa.

Nakapagtala na rin ng mataas na mga COVID cases at bed occupancy rates sa bahagi ng Sumatra, Papua at Kalimantan o Indonesian Borneo at sa malalayong rehiyon gaya ng West Papua.

Nitong Miyerkules, iniulat ng Indonesia Health Ministry ang naitalang record-high na bagong kaso ng infections na pumalo sa 54,517 habang 991 death cases naman sa loob lamang ng isang araw.

Sa kabuuan nasa 69,201 na ang total death toll.

Mas mataas ng 10 beses ang daily mortality rates na naitala kahapon kumpara noong unang bahagi ng buwan ng Hunyo.

Pero naniniwala ang mga opisyal na undercount ang naitalang bilang dahil sa mababang testing rates at mabagal na contact tracing.

Ayon kay Indonesian epidemiologist Dicky Budiman, na posibleng maging episentro ng pandemiya ang Indonesia dahil sa pagbulusok ng mga kaso na kasalukuyan na aniyang COVID epicenter sa Asya.