CAUAYAN CITY- Isasailalim sa nucleic acid test ang lahat ng mga residente sa Wuhan City, China para alamin ang eksaktong kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Chai Roxas, OFW sa Wuhan City, China, sinabi niya na umaabot sa 11 milyon na residente ng Wuhan City ang nakatakdang isailalim sa nucleic acid test sa loob lamang ng 10 araw.
Layunin nitong alamin ang eksaktong kaso ng COVID-19 sa Wuhan City.
Batay sa nakukuha niyang impormasyon ay nasa dalawa hanggang tatlong araw bago nila malaman ang resulta sa pamamagitan ng app na ibibigay sa kanila.
Ang sinuman aniyang magpositibo ay ika-quarantine sa inilaan ng kanilang pamahalaan.
Ayon pa kay Ginang Roxas, sa mga malapit naman sa lugar kung saan may bagong kaso na naitala ay kukunan ng blood test.
Dagdag pa niya na kahit tapos ng magpa-medical ang isang residente ay kailangan pa ring sumailalim sa nasabing test para maitala na lahat ng tao sa nasabing lugar ay naisailalim sa test.
Samantala, nagkakaroon na ng diskriminasyon sa mga residente ng Wuhan City kapag sila ay nagtutungo sa ibang lugar dahil sa COVID-19.
Inihayag ni Ginang Chai Roxas, OFW sa Wuhan City na isa sa layunin ng pagsailalim sa sampong araw na nucleic acid test sa lahat ng mga residente sa nasabing lunsod ay para patunayan na hindi sila positibo sa virus.
Kapag nagtutungo sa ibang lugar ang mga residente nito ay nakakaranas ng diskriminasyon na hindi na lamang nila pinapansin dahil alam naman nila sa kanilang sarili na hindi sila positibo sa sakit.
May ginagawa naman ang kanilang pamahalaan tungkol dito at nang maibalik sa normal ang lahat.