BAGUIO CITY – Nananatili sa pagamutan ang apat sa 11 na mga magkakamag-anak matapos masugatan ang mga ito nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa Ballan, Bun-ayan, Sabangan, Mountain Province nitong Miyerkules.
Ayon kay PMaj. Bernard Wong, hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Mountain Province Police Provincial Office, ang mga biktima ay tatlong lalaki, limang babae at tatlong mga bata.
Nakilala ang driver ng van na si Roger Coytop, 28-anyos, residente ng Camatagan, Sabangan.
Nakilala din ang mga pasahero na sina Weiane Aurete Bacataw Andawey, isang taong gulang; Edwin Lacad Andawey Jr., 31; Grishan Decker Andawey Castro, dalawa; Charlyn Lacad Mangay-at, 27; Geralyn Andawey Castro, 24; Hooph Copatan, 25; Ann Rhea Bacatan Andawey, 21; Xander Andawey Mangay, apat; Roldan Lacad Andawey, 22; at Elizabeth Ngillod, 60, pawang residente din sa nasabing bayan.
Ayon kay Wong, nagmula ang van sa bayan ng Sabangan at patungo ang mga ito sa bayan ng Bontoc at pababa na ito ng kalsada nang mangyari ang insidente.
Aniya, nawalan ng preno ang van at hindi nagawa ni Coytop na kontrolin ang manibela hanggang sa nahulog ito sa bangin na may lalim na limang metro.
Sinabi niya na suwerte ang mga biktima dahil bumunggo ang van sa isang malaking puno ng mangga kaya hindi sila dumiretso sa mas malalim na bahagi ng bangin.
Nagresulta aniya ang insidente ng pagkasugat ng mga biktima kung saan 10 sa mga ito ay dinala sa Luis Hora Memorial Regional Hospital habang isa ang dinala sa Bontoc General Hospital bagaman apat na lamang ang nananatili sa ospital.
Samantala, inihayag ng mga biktima na wala silang planong magsampa ng kaso laban sa driver dahil aksidente ang nangyari.