-- Advertisements --

CEBU CITY – Patay ang isang 11 buwan na sanggol nang masunog ang kanilang bahay sa Bohol Village, Spolarium St., Barangay Duljo-Fatima, lungsod ng Cebu.

Kinilala ang nasabing sanggol na si Jeydane Reil Puza.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay SFO2 Wendel Villanueva, ang tagapagsalita ng Cebu City Fire Office, sinabi nitong mag-isa lang ang nasabing sanggol sa bahay dahil diumano’y namamasada ng e-bike ang ama at may importanteng lakad rin ang ina.

Aniya, sinubukan pa ng Lolo nito at mga kapitbahay na iligtas ang sanggol ngunit hindi na nila ito nakuha dahil madaling lumaki ang apoy.

Sa imbestigasyon, nabatid na nang dahil sa kandila na nahulog sa unan kaya sumiklab ang apoy.

Tatlong buwan na diumanong gumagamit ng kandila ang pamilya dahil sa hindi nakabayad ng kanilang singil sa kuryente.

Nasa 50 square meters ang apektado sa nasabing sunog kung saan tinatayang nasa P12,500 ang pinsala sa insidente.