-- Advertisements --

Agaw pansin ang kuwento ng isang ginang na kabilang sa na-rescue sa mahigit 200 mga pasahero sa lumubog na fastcraft sa karagatan malapit sa Polilio Island.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Judith Silvo, naikwento nito na matapos lumubog ang MV Mercraft 3, kanyang ipinagkatiwala muna sa isang lalaki ang kanyang anak dahil wala itong lifejacket.

Si Judith, 27, naman ay nakaligtas nang makapangunyapit siya mula sa nakitang plywood ng kanyang mister.

Gayunman, matapos siyang iligtas ng kanyang asawa, ito naman ang nawawala at hindi pa rin makita hanggang ngayon.

Itinuturing ng ilan na milagro ang pagkakaligtas ng baby.

Sinabi pa ni Judith, dumating pa sa punto na mistulang namula na ang kulay ng kanyang anak habang paluta-lutang sila dahil sa lamig ng lugar at nakainom pa ito ng tubig.

Dakong ala-1:00 na umano sila ng hapon nang ma-rescue matapos lumubog ang fastcraft ng alas-11:00 ng umaga kahapon.

Iniulat naman ni Bombo Jerald Ulep mula sa Infanta na inabutan nila si Judith sa barangay hall kung saan doon din unang dinala ang mga survivors.

Si Silvo ay taga-Taytay, Rizal at magbabakasyon lamang sana sa Polilio Island.