LAOAG CITY – Arestado ang 11 na construction worker dahil sa illegal na pagsusugal sa mismong ipanapatayong bahay sa Barangay 17, Sta. Asuncion sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay Police Major Joseph Tayaban, ang chief of police sa bayan ng San Nicolas, nagtungo da sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagsusugal ng mga suspek.
Sinabi nito na sa pagresponde nila ay naaktuhan nila ang mga construction workers na naglalaro ng “Lucky 9”.
Inihayag pa ni Tayaban na ang mga nahuling suspek ay mula sa bayan ng Paoay, San Nicolas at sa lungsod ng Batac.
Hinggil dito, sinabi ni Tayaban na ang mga ibang nahuli ay nagpusta ngunit kabilang pa rin ito sa iligal na aktibidad.
Ipinaalam pa nito na isa rin sa mga katrabaho ng mga suspek ang nagreport sa kanila dahil naawa na ito sa pamilya ng mga ito.
Ito ay dahil base umano sa nagreport sa kanila ay palagi silang nagsusugal at kahit ang sweldo ng mga ito ay nauubos.
Sa ngayon ay nanatili ang mga suspek sa kustudiya ng PNP-San Nicolas at masasampahan ng reklamong illegal gambling.