-- Advertisements --

HANGAD ng labing-isang (11) dating miyembro ng Local Terrorist Group (LTG) ng Dawlah Islamiyah-Turaife ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagsuko ng mga ito sa 6th Infantry Battalion sa Datu Piang, Maguindanao Del Sur.

Sabay sa kanilang pagsuko, isinuko din ng mga ito ang mga high-powered firearms na kinabibilangan ng Bushmaster Rifle, tatlong (3) 40mm M79 grenade launcher, isang (1) Cal. 30 Sniper Rifle, isang (1) 60mm Mortar, isang (1) 7.62mm Sniper Rifle, dalawang (2) 9mm UZI, at mga short firearms.

Hinikayat naman ng mga sumukong terorista ang iba pa nitong mga natitirang kasamahan na magbagong buhay at mamuhay ng mapayapa sa piling ng kanilang pamilya na walang pangamba.

Dagdag pa rito, ang mga sumuko ay makakabenepisyo sa mga programang AGILA-HAVEN ng Maguindanao Del Sur Government at TUGON (Tulong ng Gobyerno Nagmamalasakit) Program ng Bangsamoro Government kung saan matutulungan ang mga ito na magsimulang muli.

Nagpaabot naman ng kasiyahan at kagalakan si 6ID Division Commander Maj. Gen. Alex Rillera sa naging matapang na desisyon ng mga sumuko.