Grounded muna ang 11 natitirang FA-50 jets ng Philippine Air Force (PAF) kasunod ng pagbagsak ng isa sa fighter aircraft sa probinsiya ng Bukidnon na kumitil sa 2 pilotong sakay nito.
Ito ay sa gitna rin ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa dahilan ng insidente.
Tiniyak naman ni PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo sa publiko na patuloy pa rin ang pag-monitor at pagdepensa sa airspace ng ating bansa gamit ang ibang aircraft, radar at ground-based air defense systems, sa kabila ng pag-ground o paghinto pansamantala sa paglipad ng nasabing fighter jets.
Hindi naman nagbigay ng timeline ang opisyal sa imbestigasyon subalit ipinunto nito na kailangan itong paspasan dahil ginagamit ang fighter jets sa pagbabantay ng territorial waters ng ating bansa.
Aniya, kasama ang FA-50 fighter jets sa pagsasagawa ng maritime patrols at internal security operations.
Sa huli, nangako ang opisyal na kanilang tatapusin ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon upang makabalik operasyon ang mga fighter jets.
Nauna ng kinumpirma ni Col. Castillo na wala nang buhay nang matagpuan ang 2 piloto noong umaga ng Miyerkules malapit sa wreckage ng fighter jet malapit sa Mt. Kalatungan Complex sa Bukidnon.
Tinukoy ng Police Community Affairs and Development Group Northern Mindanao ang mga nasawing piloto na sina Maj. Jude Salangoy at 1st Lt. AJ Dadulla.