-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nakapagtala ng 11 panibagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 ang probinsya ng Cotabato.

Ayon sa Cotabato – Inter-Agency Task Force on COVID-19, 5 sa mga ito ay mula sa bayan ng Antipas, tig-2 sa Kidapawan City at Pikit at tig-1 sa Pres. Roxas at Pigcawayan.

Ang 35-anyos na lalake, 58-anyos na babae, 22-anyos na lalake, 31-anyos na lalake at 28-anyos na babae na residente ng Antipas; 33-anyos na babae at 43-anyos na babae sa Kidapawan City; at 23-anyos na babae at 22-anyos na lalake sa Pikit ay pawang mga Locally Stranded Individuals (LSIs).

Dagdag pa ng Cotabato-IATF, asymptomatic at nasa stable condition ang mga nabanggit na pasyente na nananatili ngayon sa isolation facility ng kani-kanilang bayan.

Ang 39-anyos na babae naman sa Kidapawan City ay may history of exposure sa isang pasyente ng COVID-19 na kabilang sa local transmission case ng lungsod.

Sa ngayon, ang pasyente ay asymptomatic at nasa mabuting kalagayan na nananatili pa rin sa isolation facility.

Samantala, ang 66-anyos na babae sa Pigcawayan ay siya ding recorded fatality ng probinsiya dahil sa COVID-19.

Ayon sa Cotabato-IATF, ang pasyente ay may co-morbidities na hypertension at diabetes.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng ahensiya sa posibleng history of exposure nito sa isang COVID-19 patient.

Pumanaw ang 66-anyos na pasyente ng Pigcawayan nitong September 23, dalawang araw bago lumabas ang resulta ng swab test nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang contact tracing ng Cotabato-IATF sa mga posibleng nakasalamuha ng namatay na pasyente.

Ito na ang ikatlong death case ng COVID-19 patient na naitala sa probinsiya at ikalawang kaso ng fatality dahil sa COVID-19.

Sa huling tala ng Cotabato-IATF, 120 na ang total infections ng sakit sa probinsiya kung saan 49 ang active cases o pasyenteng patuloy na nagpapagaling.

Nasa 68 naman ang total recoveries sa lalawigan matapos makapagtala ng 5 panibagong pasyenteng gumaling sa COVID-19 kung saan 3 sa mga ito ay mula sa Midsayap habang ang dalawa naman ay mula sa Kidapawan City.