-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 11 ang napatay at marami ang nasugatan sa engkuwentro ng dalawang Moro Fronts sa Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Manaut Musbil, Mads Maytum, Tongan Tot, Laguiali Ali, Poangan Ganda, Kho Mamaluba at Jeomar Salansamen, pawang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Task Force Itihad.

Apat rin ang napaulat na namatay at tatlo ang nasugatan sa panig naman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-ISIS Inspired Group sa ilalim ng grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife.

Nagkasagupa ang MILF Task Force Itihad at BIFF sa Sitio Tinolusan Barangay Dasawao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Kinumpirma rin ni Barangay Dasawao Barangay Chairman Abdulracman Kanda na maraming mga sibilyan ang lumikas sa hangganan ng bayan ng Shariff Saydona Mustapha at Pikit North Cotabato.

Nakita rin ng mga sibilyan ang pitong nasawi sa MILF na isinakay sa mga Bangka sa Rio Grande de Mindanao palabas ng Sitio Tinolusan Brgy Dasawao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Nangamba din si Kanda na posibling lumaki pa ang kaguluhan sa kanilang lugar dahil dumating na ang karagdagang pwersa ng MILF Task Force Itihad.

Nakaantabay naman ang militar sa sagupaan ng dalawang grupo at anumang oras ay handa tumulong sa MILF kung papayagan ng GRP Peace Panel.