Pinapasibak sa serbisyo ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang 11 pulis na sangkot sa moonlighting o dahil nagtrabaho bilang escort ng Chinese national na umano’y may kugnayan sa POGO.
Ang 11 kapulisan na ito ay kinabibilangan ng 6 na police commissioned officers, 1 dito ay police lieutenant colonel at 5 police non-commissioned officers.
Ayon kay PNP Internal Affairs Service Inspector General, Atty. Brigido Gulay, nalaman nilang nagmo-moonlighting ang mga pulis na ito nang una silang makatanggap ng ulat na nagkagulo ang dalawang pulis mula Special Action Force sa isang subdivision sa Alabang noong Mayo 2024.
Nang imbestigahan nila ang gulo, natuklasan nilang ang dalawang SAF commando na nag-away sa Alabang, ay dapat naka-duty sa Zamboanga.
Natuklasan din na mayroong pagkokontsabang nangyari sa pagitan ng mga naturang opisyal at SAFs sa Zamboanga para palabasin na ang 2 pulis na ito ay nagtatrabaho doon pero ang katunayan ay nasa Alabang, at nag momoonlighting.
Inirerekomenda ng IAS na masibak sa serbisyo ang 2 pulis at ang 9 na dawit sa moonlighting dahil may halo umano itong falsification, at panlilinlang.
Ayon pa sa Inspector General, nagbabala na si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, na hanapin ang mga kapulisan na sangkot pa sa parehong kaso.
Nagsasagawa na rin umano ang IAS ng inspeksyon sa mga unit para matumbok kung sino sino pa ang mga hindi nagtatrabaho ng tama.
Sakaling maaprubahan ang rekomendasyon ng IAS na patalsikin ang 11 pulis sa serbisyo, mawawalan din ang mga ito ng mga benepisyo gaya ng pension at iba pa