Nahaharap sa dismissal o pagkasibak sa serbisyo ang nasa 11 pulis dahil sa moonlighting bilang security escorts ng mga executive ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ito ay matapos na irekomenda ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police ang dismissal ng naturang mga pulis kabilang ang isang may ranggong lieutenant colonel.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Brigido Dulay, nag-ugat ang kaso mula sa suntukan ng 2 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa loob ng isang posh subdivision sa Ayala, Alabang noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Nagbunsod ang insidente sa malalimang imbestigasyon matapos lumabas na ang napaulat lamang na alarm and scandal ng security guards ay kinasasangkutan pala ng police commandos.
Sa imbestigasyon din nadiskubre na nagsisilbi palang security escorts ng isang Chinese national na konektado sa POGO ang 2 nagkaalitang SAF commandos. Napag-alaman kalaunan na nagrerender ang 2 ng kanilang serbisyo nang walang kaukulang approval mula sa Police Security and Protection Group na malinaw aniyang paglabag sa mga polisiya ng PNP.
Kaugnay nito, inaresto ang 2 SAF personnel sa Muntinlupa at sinibak dahil sa moonlightling, grave ireregularities sa paggampan ng kanilang tungkulin at sa pagbibigay ng protective services sa pribadong mga indibidwal nang walang kaukulang awtorisasyon.
Ang 2 pulis ay nakatalaga sa 52nd Special Action Company Zamboanga at sa 55th Special Action Company Zamboanga.
Samantala, sa pagdinig ng kaso ng 2, doon nabulgar sa mga nakalap na mga ebidensiya na may sabwatan sa ilang SAF officials sa Zamboanga City para pagtakpan ang mga ilegal na aktibidad ng kapulisan sa Ayala, Alabang.