-- Advertisements --

Naghain ng reklamong kidnapping ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 11 anti-drug operatives ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at apat na sibilyan kaugnay sa pagkawala ng apat na sabungeros sa lalawigan ng Cavite noong nakalipas na taon.

Sa complaint na may petsang Oktubre 19, sinampahan ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID)ang personnel ng NCRPO dahil sa pagkawala ng magkapatid na sina Gio at Mico Mateo, Garry Matreo Jr. at Ronaldo Anonuevo noong April 13, 2021.

Ang mga respondents sa kaso ay sina NCRPO regional drug enforcement unit chief Col. Ryan Orapa; Lt. Jesus Menez; S/Sgts. Roy Pioquinto at Robert Raz; Cpls. Alric Natividad, Troy Paragas, Ronald Lanaria, Ronald Montibon, Reynaldo Seno, Ruscel Solomon at Christal Rosita; police assets Nicasio at Nicholes Manio, isang nagngangailang Angelo Atienza at tintawag na Boss Mark.

Ayon sa NBI, nakuhanan sa isang closed-circuit television (CCTV) footage ang pagdukot ng mga suspek sa mga biktima.

Maliban sa kidnapping, kinsuhan pa ang mga ito ng serious illegal detention at paglabag ng Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act.

Isinampa ng NBI ang naturang kaso bilang parte ng kanilang imbestigasyon sa mga nawawalang indibidwal dahil sa police anti-drug operations at mga nawawalang cockfighting aficionados o sabungeros na subject ng Senate investigation.