DAVAO CITY – Labing-isang mga Palarong Pambansa records na ang binura ng mga kalahok sa nagpapatuloy na national youth sporting event sa lungsod ng Davao.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo mula sa Palaro organizers, pitong records ang binasag sa athletics, tatlo sa swimming at isa sa archery.
Kabilang na rito ang 21 taong record sa 3,000-meter steeplechase na binura ng trackster na si Jerry Vasquez mula Central Luzon.
Nairehistro ni Vasquez ang 9:35, mabilis kumpara sa 9:41 na record mula noon pang 1998.
Kapwa namang nagtala ng bagong record na 5.84 meters sa long jump sina Trexie dela Torre ng Region 6, at Marvilyn Canion ng Region 3 makaraang lagpasan nila ang 5.66 na minarkahan ni Maricel Sibug noong 2002.
Hindi rin nagpaawat si Jamela de Asis ng shot put nang magrehistro ito ng 12.30 meters, malayo sa 11.88 meters ni Kasandra Alcantara ng NCR noong 2018.
Binura naman ng atleta mula Region 1 na si Kent Bryan Celeste ng Anda, Pangasinan ang kanyang sariling record sa high jump boys matapos itala ang bagong record na 2.02 meters, at basagin ang sariling record na 1.99 meters na naitala niya noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur.