-- Advertisements --

Umaabot sa 11 senador ang lumagda sa committee report number 714 sa plenaryo para sa sin tax increase sa tobacco products.

Nais ng mga senador na taasan ng P45 hanggang P60 ang bawat kaha ng sigarilyo, na kung magiging ganap na batas ay magsisimula ito sa susunod na taon hanggang 2023 at five percent na pagtataas epektibo simula 2024.

Ang mga signatories sa panel report ay sina Sens. JV Ejercito, Risa Hontiveros, Win Gatchalian, Panfilo Lacson, Francis “Kiko” Pangilinan, Nancy Binay, Loren Legarda, Minority Leader Franklin Drilon, Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pati na sina Sens. Sonny Angara at Manny Pacquiao.

Nais ng mga lumagdang senador na tuluyan ng mabawasan ang mga naninigarilyo at hindi mahihikayat ang mga kabataan kapag tinaasan na ang buwis sa Tobacco.

Layunin din ng panukala na makalikom ng pondo para sa pagpapagamot sa mga nagkakasakit dulot ng paninigarilyo at sa pagpapatupad ng Universal Health Care law.

Lumabas kasi na gumagastos ang gobyerno ng P210 billion para sa pagpapagamot ng mga pasyente na nagkasakit dulot ng paninigarilyo at tanging P115 billion lamang ang nakokolekta ng gobyerno sa ipinatutupad na sin tax law na abonado pa ang pamahalaan.