BACOLOD CITY – Isinailalim na sa inquest proceedings ang 11 indibidwal na inaresto sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental, kasunod ng engkwentro ng militar at New People’s Army (NPA) sa Barangay Quintin Remo noong Lunes.
Hinuli ang mga ito malapit sa encounter site at dinala sa Moises Padilla Municipal Police Station matapos paghinalaan na kasama ang mga ito ng rebeldeng grupo na nakasagupa ng militar.
Pinaghihinalaan din ang mga ito na pumatay kay Sangguniang Bayan (SB) member Jolomar Hilario sa Barangay Inolingan araw ng Linggo sa parehong bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si Police Captain Junjie Liba, apat aniya sa 11 ay kinalala ng pamilya ni Councilor Hilario na sumalakay sa kanilang compound at pumatay sa opisyal.
Dahil dito, sinampahan ng kasong murder ang lahat ng mga dinakip kahit pa apat lang ang nakilala ng pamilya ng konsehal dahil posible din umano na kasabwat ang iba.
Sa 11 nahuli, dalawa ang taga-Barangay Quintin Remo, mayroon ding taga-Sicatuna at Sibucawan sa bayan ng Isabela, Negros Occidental.
Lima naman sa mga ito ang residente ng Bario Luz sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Kinumpirmapa ni Liba na dalawang menor edad ang kasama sa mga nadakip at nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development.
Alas-2:30 naman kahapon ng hapon ay nagpalabas ng advisory ang militar na “cleared” na ang encounter site kaya maaari ng umuwi ang mga lumikas na residente kasunod ng bakbakan.