-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasalukuyang inoobserbahan ng Provincial Health Office (PHO) Aklan ang 11 Chinese tourists dahil sa posibilidad na exposure ng mga ito sa novel coronavirus.

Dinala ang mga ito sa isang hotel na pagmamay-ari ng pamahalaan sa Gov. Corazon L. Cabagnot Tourism and Training Center sa Old Buswang, Kalibo, Aklan para sa ginagawang obserbasyon.

Ang naturang mga dayuhan ay nagmula sa Hubei province na kinabibilangan ng pitong adult at apat na bata.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, Jr. ng PHO-Aklan na apat sa mga ito ay may close contact sa pasyente sa Hong Kong na sinasabing infected ng coronavirus.

Magbabakasyon sana sila ng isang buwan sa Boracay.

Agad inalerto ng Hong Kong authorities ang health officials sa Pilipinas kaya na-trace ang mga ito sa isang resort sa isla ng Boracay.

Pagkatapos ng 14 days incubation period, papayagan silang bumalik sa China, sa tulong ng Chinese Embassy sa Pilipinas at hindi na papayagang maipagpatuloy ang bakasyon sa isla.

Sinabi pa ni Dr. Cuatchon na minabuti nilang dalhin sa naturang hotel ang mga ito dahil sa peligrong makakuha ng hospital acquired-pneumonia kung dalhin sila sa ospital.

Ang mga turista ay bumiyahe mula sa Hong Kong papuntang Kalibo via Manila noong Enero 22.

Sa kabila nito, nilinaw ni Cuachon na wala pang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa Aklan at sa buong Pilipinas.