Bakas ang excitement ng Pinay young aspiring singer na si Angelica Bolando Hale para sa nakatakdang performance sa 4th of July simula mamayang gabi (Manila time) o umaga pa lamang ng July 4 sa Amerika.
Ayon sa 11-anyos na si Hale, plantsado na ang lahat matapos ang kanilang rehearsal kung saan kasama nito ang iba pang tanyag na personalidad mula sa iba’t-ibang talent shows.
Nabatid na naka-line up din sa taunang concert sina Vanessa Carlton, Vanessa Williams, Carole King, at iba pa.
Bago ang naturang “A Capitol Fourth” event sa Amerika, inilabas na rin ni Hale ang kanyang debut single na “Feel the Magic” na siya mismo ang sumulat.
Kung maaalala, gumawa ng kasaysayan si Hale bilang first-ever contestant na nabigyan ng dalawang golden buzzers sa America’s Got Talent (AGT) kung saan lusot na sa elimination rounds at otomatikong pasok na sa finale.
Noong 2017 nang tanghaling second place ang pambato ng Pilipinas sa AGT Season 12, habang kampeon naman ang ventriloquist na si Darci Lynne Farmer
Si Angelica ay maituturing na survivor kung saan apat na taong gulang pa lang ito nang sumailalim sa kidney transplant at ang mismong donor ay ang kaniyang inang si Eva Bolando-Hale na tubong Iligan City.