Umaasa ang ilang residente ng Ukraine na sana ay hindi makalimutan ng mundo na patuloy pa rin ang giyera sa kanilang lugar.
Sa interview ng Bombo Radyo mula sa sentro ng Ukraine na capital Kyiv, iniulat ni Alexander Mukhin, na kahit papaano ay safe pa rin sila sa kabila na umaabot na sa 114 days ang paggiyera sa kanila ng Russian forces, o mahigit na sa tatlong buwan.
Ginawa ni Mukhin ang pahayag dahil na rin sa pangamba niya na makalimutan ng buong mundo na patuloy pa rin ang pananakop ng Russia sa kanilang bansa.
Meron kasing kasabihan na sinusubaybayan lamang ng marami ang nagaganap na giyera sa loob ng 30 araw at pagkalipas nito ay marami na ang nawawalan ng interes.
Sa ngayon nasa ika-114 days na ang giyera sa Ukraine.
“They have a saying that the war is only interesting on the first 30 days. Meaning the world community only glued their eyes for the first month or so. But now it is still on going it is still horrible,” ani Mukhin.
Kaugnay nito, hindi rin naiwasang ikumpara ni Alex ang kanilang sitwasyon sa unang buwan ng giyera na palagi silang binobomba sa Kyiv.
Sa ngayon aniya, minsan isang beses na lamang sa isang araw na naririnig nila ang air raid siren bilang hudyat ng paparating na missile ng Russia na siya namang tina-target ng kanilang anti-aircraft batteries.
Bagamat hindi na inaatake ngayon ng tropa ng Russia ang Kyiv, pinakamatindi naman ang pagsalakay na ginagawa ng Russia sa eastern part ng Ukraine.
Umaasa na lamang siya na sana makita na rin nila ang kapayapaan sa lalong madaling panahon kasabay nang patuloy niyang panawagan ng suporta at panalangin.