May kabuuang 115 Pilipino ang nananatili sa West Bank matapos ang pagdating sa Pilipinas ng ikalawang batch ng limang repatriates.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Jordan, ang pinakabagong batch ng mga Pinoy na umuwi ay binubuo ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) at isang pamilya.
Matagumpay na nakatawid ang limang Pilipino sa West Bank patungong Jordan sa gitna ng patuloy na armadong labanan sa pagitan ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.
Binigyan sila ng send-off ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos at Labor Attaché Armi Evangel Peña sa Queen Alia International Airport sa Amman.
Isang hiwalay na pangkat ng embahada ang tumulong sa mga Pilipino sa pagtawid ng Allenby Border sa panig ng Israeli bago sila pumasok sa Jordan, kung saan sila ay binigyan ng transit visa.
Ang embahada ng Pilipinas sa Jordan ay may kasabay na hurisdiksyon sa Estado ng Palestine.
Ito ang ikalawang repatriation ng mga Pilipino mula sa West Bank na isinagawa ng embahada matapos ang dalawang manggagawang Pinoy na umuwi sa Pilipinas noong Nobyembre 8.
Matatandaang itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Alert Level 2 sa West Bank kasunod ng banta sa buhay, seguridad, at ari-arian ng mga Pilipino na nagmumula sa internal at external threat sa host country.