Pansamantala munang isinara ng Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City ang ilan nilang mga serbisyo matapos na magpositibo ang umaabot sa 117 na mga staff.
Sa anunsiyo ni Dr. John Bengzon, POC office-in-charge, sa Facebook page kanyang kinumpirma na umaabot sa 117 mula sa 180 nilang hospital staff ang dinapuan na rin ng coronavirus.
Iniulat din ni Dr. Bengzon na posibleng dahil ito sa pagbuhos ng mga pasyente na kada araw ay umaabot sa 350 hanggang 450.
Dahil dito pansamantala munang isinasara ng ospital ang kanilang outpatient department at sa halip bubuksan nila ang kanilang online consultations.
Maging ang elective surgeries ay “on hold” muna habang magsasagawa sila ng disinfection sa lahat ng mga tanggapan at services areas.
Gayunman ang emergency room ng ospital ay bukas pa rin ng 24/7 at COVID patient care.
Kasabay nito nanawagan si Dr. Bengzon sa publiko ng dagdag na PPE at facemasks para sa mga staff na mahalagang magdoble na rin sa paggamit.
Ang apela ng POC ay kasunod na rin ng ulat kahapon ng DOH na record breaking na mahigit na 15,000 na mga bagong COVID-19 positive na nadagdag sa loob lamang ng isang araw sa bansa.