MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na “indicative” o hindi pa tiyak ang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na baka sa February 15 o sa susunod na lunes na dumating ang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na mula sa COVAX Facility.
“The dates that were provided to us were indicative dates,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Paliwanag ng opisyal, bagamat sinabi ng mga opisyal ng COVAX na sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero dadating ang mga bakuna, wala naman silang ibinigay na eksaktong petsa ng arrival ng libreng vaccine supply.
“This February 15 is an indicative date, ito yung binigay ng vaccine cluster.”
“Kapag sinabing indicative ‘yan ay tentative schedule pa lang. Wala pa tayong confirmed dates as to when we’ll start.”
Tiniyak naman ni Vergeire na agad ipapamahagi ang mga bakuna sa priority sector kapag dumating na ang shipment nito sa bansa.
“Pagdating ng bakuna, after two to three days we’ll start the deployment already.”
Bukod sa Pfizer-BioNTech vaccine, inaasahan din ang pagdating ng 5 hanggang 9-million doses bakuna ng AstraZeneca na manggagaling din sa COVAX Facility.
Ang COVAX ay isang inisyatibo ng World Health Organization at iba’t-ibang institusyon. Layunin nito ang patas na distribusyon ng libreng bakuna sa mga mahihirap na bansa.