-- Advertisements --
banac
PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac

Pumalo na sa 119 ang kabuuang bilang ng mga sumukong convicted criminals na nagawaran ng kinikwestyong good conduct time allowance (GCTA).

Ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, nagmula ito sa data ng local police offices at maging ang mga direktang sumuko sa Bureau of Corrections (BuCoR).

Sinabi ni Banac, marami pa silang inaasahang susuko ngayong araw, bago ang inaasahang pagtatapos ng kalahating buwan na ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating bilanggo.

Ayon sa PNP ang pinakamaraming sumuko na lugar ay nagmula sa Region 2 na umaabot na sa 32, na sinusundan naman ng Region 4-B na nasa 24 at sa Region 5 ay may 13.

Matatandaang halos 2,000 ang napalaya sa ilalim ng GCTA Law, ngunit nabahiran ito ng kontrobersiya dahil sa nabunyag na “GCTA for sale.”