Inilabas ng 12 agricultural groups ang isang joint statement na tumutuligsa sa naging hakbang ng pamahalaan at sinabing hindi ito makakatulong upang tuluyang mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.
Katwiran ng mga grupo ng magsasaka, ang ginawa ng pamahalaan na pagpapababa sa dating 35% at ginawang 15% na taripa ay hindi direktang makakatulong sa mga konsyumer bagkus ay magiging pasakit pa sa mga local producer.
Nakasaad sa statement ng grupo na katulad ng mga naunang tariff reduction sa Pilipinas, lalo lamang kikita ang mga foreign suppliers ng bigas dahil tiyak umanong tataasan lamang nila ang kanilang presyuhan, upang mapalaki ang kita.
Inihalimbawa ng mga ito ang nangyayari sa Vietnam at Thailand na nagsimula na umanong nagtaas ng kanilang mga presyo mula sa dating $630 per metric ton (MT) papuntang $680 per MT.
Dahil dito, nananawagan ang grupo sa pamahalaan na repasuhin ang naging hakbang upang hindi lalong mapahirapan ang mga magsasaka, at mga konsyumer.
Samantala, kabilang sa mga grupong pumirma sa naturang statement ay ang Federation of Free Farmers, Samahang Industriya ng Agrikultura, Philippine Confederation of Grains Associations, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bantay Bigas, National Rice Seed Growers Federation of the Philippines Inc., United Broiler Raisers Association, atbp.