TUGUEGARAO CITY – Wala nang buhay ng makita ang katawan ng isang menor-de-edad na nalunod sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Ayon kay Police Senior Inspector, Amador Apostol ng PNP-Amulung, nagpaalam umano ang biktima na si Ronnie Santiago,12-anyos ng Barangay Manalo sa kanyang mga magulang na pupunta sa kanyang eskwelahan dahil may aktibidad umano ang mga ito.
Aniya, bagamat hindi pinayagan ng kanyang ama ang anak na lumabas dahil walang naipakitang sulat mula sa kanilang eskwelahan bilang patunay na may gagawing aktibidad, tumakas pa rin ang biktima.
Nagtungo umano ang biktima kasama ang kanyang tatlong mga kaklase sa isang sapa sa Barangay Dadda sa nasabing bayan kung saan nagkayayaan ang mga ito na maligo.
Napunta sa malalim na bahagi ng sapa ang biktima at hindi ito marunong lumangoy na dahilan ng kanyang pagkalunod.
Agad namang nagtawag ng tulong ang kanyang mga kaibigan ngunit tatlong oras pa umano ang lumipas bago nakita ang bangkay ng biktima.
Samantala, kinumpirma naman nang principal na pinapasukan ng biktima sa kapulisan na hindi nila pinatawag ang kanilang mga estudyante sakanilang paaralan kahapon.