-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nahaharap sa kasong rape ang isang 55-anyos na fish vendor dahil umano sa panghahalay nito sa 12-anyos na bata na kasalukuyang buntis ng apat na buwan sa Malinao, Aklan.

Hinihintay pa ngayon ng pulisya ang warrant of arrest upang maaresto ang hindi muna pinangalanang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na inabangan ng suspek ang biktima dakong alas-7:00 ng gabi nang pauwi na ito mula sa tindahan matapos na utusan ng kanyang ina na bumili ng mantika.

Dinala umano ito sa magubat na bahagi ng daan na hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Matapos ang panggagahasa, binantaan ng suspek ang bata na huwag magsumbong bago niya ito pinauwi.

Hanggang nitong mga huling araw ay napansin ng guro ang lumalaking tiyan ng biktima dahilan na kinausap niya ito at dito na nagsumbong ang bata na hinalay siya ng kanilang kapitbahay.

Dahil dito, agad na nagsumbong ang guro at ina ng bata sa pulisya.

Ang biktima ay apat na buwang buntis ngayon matapos ang insidente ng panghahalay sa kanya, kung saan, humihingi ng hustisya ang kanyang pamilya.