Inaresto ng National Bureau of Investigation-Special Task Force ang 12 Chinese nationals dahil sa online scamming, serious physical injuries at serious illegal detention sa isang indibidwal na tumangging magtrabaho bilang scammer.
Sa isang statement mula sa NBI, ayon sa complainant, pinilit siyang magtrabaho bilang online scammer ng mga officer ng Room 1168 Century Peak Tower, Ermita, Manila, subalit tumanggi umano siya dahilan kayat pinagpapalo siya at sinaktan ng mga salaring Chinese.
Pinagbayad pa ng ransom ang biktima ng kalahating milyon subalit P300,000 lamang ang nakayanan nitong ibayad saka siya pinalaya at pinagbantaang ipapapatay siya sakaling magsumbong ito sa mga awtoridad.
Isinalaysay naman ng biktima ang kaniyang mga nalalaman sa online scamming operations ng grupo kayat nagsagawa ng surveillance at verification dito ang mga operatiba.
Noong Agosto 6, nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad para isilbi ang warrant at dito naaktuhan ang mga suspek na Chinese sa kanilang online scamming activities.
Natukoy ang mga Chinese nationals na sina Xie Dong Da, Yang Hang, Yu Shuan, Raymond Lau Lik Wan, Chai Ming How, Zhang Long, Ke Lin Chen, Jiang Ming, Ou Shou Zhou, Li Shi Jie, Wang Chao Jie, at Gan Chang Fu.
Kaugnay nito, ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, inihain na ang reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, Serious Physical injuries at Serious Illegal Detention laban sa mga suspek.