CENTRAL MINDANAO – Kinasuhan na ng 12 counts of falsification of public documents ng city government of Kidapawan ang may-ari ng isang massage parlor sa lungsod.
Mismong si City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista ang personal na pumunta at nag file ng complaint laban sa may-ari ng nabanggit na establisyemiyento.
Una nang nagpahayag si City Mayor Joseph Evangelista na kakasuhan ang sinumang mapatutunayang hindi sumusunod sa proseso ng pagbabakuna pati na ang mga susuway sa itinakdang polisiya laban sa COVID19 sa lungsod.
Nag-ugat ang kaso dahil sa umano’y ay tampering na ginawa ng may-ari ng massage parlor sa medical clearances ng kanyang 12 empleyado na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Nangyari ang insidente noong nakalipas na July 31, 2021 sa Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) Vaccination Hub kung saan ay pinilit niya na mabakunahan ang kanyang mga empleyado laban sa sakit.
Lumabas na “tampered” o pineke ng nabanggit daw na business owner ang medical clearances ng kanyang mga empleyado para mabakunahan sa ilalim ng A3 category o adults with comorbidities sa vaccination roll-out ng city government.
Mismong si City Health Officer Dr. Joy Encienzo, ang nagpatunay na peke ang mga medical clearances na may petsang July 30, 2021 na bitbit ng may-ari.
Maliban kasi sa pawang mga photocopy ang mga ito, ay ginaya ang kanyang sulat kamay.
Napag-alamang tanging ang business partner lamang ng may-ari ng nasabing massage parlor ang kanyang personal na sinuri at binigyan ng medical clearance noong July 30, 2021 ngunit lumabas na kinopya ang naturang dokumento, at nilagyan pa ng pangalan ng mga empleyado.
Ayon pa sa sinumpaang salaysay ni Dr. Encienzo, maliban sa nabanggit ay tinakot din daw ng may-ari ang vaccination team at nanggulo pa sa vaccination hub ng city government matapos hindi payagan sa kanyang nais na mabakunahan ang kanyang mga empleyado.
Nagresulta tuloy ito sa pagpapalabas sa kanya ng mga pulis palabas ng vaccination hub.
Nilinaw naman ni Encienzo na hindi kasali ang mga empleyado sa reklamo.
Hindi rin sila blacklisted, ngunit sadyang hindi qualified na mabakunahan sa ilalim ng A3 category dahil tampered ang isinumiteng medical clearance ng kanilang employer.
Nakapaloob ang lahat ng ebidensya laban sa may-ari ng massage parlor sa mahigit 60 pahina ng Judicial Affidavit Complaint na isinumite ni Atty. Evangelista at sinertipikahan ni Fiscal Eugene Seron sa City Prosecutor’s Office umaga ng August 23, 2021.