-- Advertisements --

Darating na sa Pilipinas ngayong araw ng Linggo, Abril 5, ang 12 Chinese medical workers na mga eksperto sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) issue.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang nasabing mga Chinese experts ay mga doktor at nars na mag-oobserba at magbibigay ng rekomendasyon sa ginagawang hakbang ng gobyerno laban sa sakit.

“Sila ay mago-obserba at magbibigay ng recomendasyon na angkop sa hakbang upang mapabuti ang ating infection prevention and control, critical care, at laboratories,” wika ni Vergeire.

Nakatakda ring magtungo ang mga eksperto sa Research Institute for Tropical Medicine sa lungsod ng Muntinlupa; San Lazaro Hospital sa lungsod ng Maynila; at ang Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

Mananatili naman ang mga ito sa bansa hanggang Abril 19.