Hinamon ng think-tank group na Infrawatch PH, si Presidential Anti Crime Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na huwag magkubli at matapang nitong pangalanan ang 12 kongresista na corrupt na pumoporsiyento sa Department of Public Works and Highways (DPWH) projects.
Ayon kay Infrawatch PH Convenor Terry Ridon, hindi dapat magtago si Belgica sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang hurisdiksyon kaya hindi nya isasapubliko ang nilalaman ng PACC report na nagdedetalye ng korupsyon sa DPWH na sangkot ang mga congressman.
“There’s no going around it. PACC should divulge the names of members of Congress allegedly involved in DPWH corruption, because failure to do so taints entirely the integrity of Congress as an institution. The agency should not hide behind the President’s pronouncement rejecting disclosure, because the information on the matter was sourced entirely from the PACC itself,” paliwanag ni Ridon.
Sa oras na matanggap ng Office of the Ombudsman ang PACC report mula sa Malacañang ay may obligasyon na itong isapubliko ang mga pangalan kaya naman walang dahilan para ipitin pa ito ni Belgica.
Ganito rin ang paliwanag ni Justice Undersecretary Adrian Sugay.
Aniya, kapag nai-forward na kay Ombudsman Samuel Martires ang PACC report ay bahagi na ito ng public record kaya matutukoy din ang pangalan ng 12 congressman na iisyuhan ng subpoena.
Aminado si Sugay na bilang taxpayer ay nais din nitong malaman kung sino-sino ang mga tiwaling congressman na tinukoy sa report.
“Gusto ko ring malaman, kasi ang pinag-uusapan riyan ay bilyon bilyon lalo na sa DPWH,” pahayag nito.
Sa 12 congressman na tumanggap ng payola, may ilan na P10 million ang kickback sa government funded na DPWH project, may isa na humihingi ng hanggang P100 million habang ang iba ay five percent hanggang 15 percent ang cut sa infrastructure budget sa kanilang distrito.
Habang pinupukol ang Kamara sa korupsiyon ay nanatiling tahimik naman ang Hosue leadership ukol dito at walang reaksyon ang tanggapan ni House Speakear Lord Allan Velasco.
Sa ilalim ng House rules ay maaaring magsagawa ng imbestigasyon motu propio ang House Ethics Committee laban sa mga kongresista na sinasangkot sa katiwalian subalit aminado si Iloilo Rep Janette Garin na “waste of time” lang ito.
“Sa pananaw ko, knowing the institution and having been in Congress for a long time before, sometimes, it’s not that worth it if we will be investigating colleague lalo na kung marami. Investigating it in the House where the allegations are also pointing to colleagues, or members, or former members or other government official it will just be a waste of time and resources,” paliwanag ni Garin.
Nangamgamba ang Infrawatch na kung hindi tutukuyin ang 12 congressman ay mauulit muli ang korupsyon sa 2021 budget kung saan nasa P650 million hanggang P15 billion ang infrastructure funds ng bawat kongresista na nasa DPWH budget.