-- Advertisements --

Umabot na sa 12 insidente ng indiscriminate firing ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa nakalipas na 10 araw.

Ayon kay PNP Deputy Spokesperson PSupt. Vimelle Madrid, karamihan sa mga insidente ng illegal discharge of firearms ay nangyari sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Madrid na batay sa datos ng “LIGTAS PASKUHAN 2017” ng PNP mula December 16 hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga ng December 26, nasa pitong katao na ang naaresto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril.

Aniya, dalawa sa mga ito ay pulis sa Metro Manila, isang barangay kagawad sa Region 1, habang ang natitirang 4 ay mga sibilyan sa Region 3 at 7.

Subject naman ngayon sa manhunt operations ang isang pulis sa ARMM at anim na sibilyan sa Metro Manila at Region 5 dahil na rin sa iligal na pagpapaputok ng baril.

Kinumpirma din ni Madrid na tatlo ang kumpirmadong sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala.

Binigyang-diin ni Madrid na mahigpit ang direktiba ni PNP chief Ronald Dela Rosa na imonitor ng husto ang mga insidente ng indiscriminate firing.

Pinatutukan din nito ang mga lugar kung saan mataas ang kaso ng indiscriminate firing sa mga nakalipas na pasko.

Nasa kabuuang 36,189 PNP personnel ang idineploy sa mga places of convergence, terminal ng bus, route security at target hardeining ngayong holiday season.

Samantala, walong indibidwal din ang sugatan dahil sa firecrackers.
Apat naitalang sugatan sa NCRPO areas of responsibility, tig iisa na sa PRO-1, PRO-6, PRO-8 at PROCOR.