Pangungunahan mamayang ala-singko ng hapon ni Luis Antonio Cardinal Tagle ang paggunita ng Washing of the Feet kung saan ay huhugasan nito ang mga paa ng 12 kabataan sa Manila Cathedral.
Ito ay bilang simbolo ng kanilang mahalagang papel para sa darating na midterm elections sa May 13.
Ilan sa mga kabataang ito ay sina Nicole Anne Perez, 23-anyos na itinalaga ni Pope Francis bilang kinatawan ng Pilipinas para sa 2018 Synod of Bishops on Young people. Si Perez ay kasalukuyan ding nagttrabaho bilang call center agent.
Ang 22-anyos na si Rafael Villegas naman ay isang economic student sa Universidad de Manila at volunteer sa Parish Responsible Voting of the National Shrine of Saint Michael and the Archangel sa San Miguel, Manila.
Si Luna Mirafuentes 18-anyos ay myembro rin ng Ministry of Greeters and Collectors sa San Fernando de Dilao Parish, Paco, Manila. Sa Mayo naman ay ang kauna-unahang pagboto nito.
May sakit na celebral palsy naman si Carlito Sapunto na isa rin sa mga kabataang huhugasan ng paa ni Cardinal Tagle.
Si Jeffrey Ranola ay nagtapos sa Universidad De Manila at myembro ng youth ministry.
Sister Antonisa, 26-anyos, ay isang madre na galing sa Bangladesh at limang taon nang pinagsisilbihan ang mga mahihirap at inabandonang mga bata sa Alay ng Puso sa Delpan, Binondo, Manila.
Halos 10 buwan naman na naninirahan ang Indian na si Joel Obreo 23-anyos sa Maynila at misyonaro sa Ligaya ng Panginoon Community and Christ Youth in Action.