Na-trap ng higit 1 oras sa elevator ang 12 katao sa isang condominium building sa Brgy. West Crame sa San Juan City nitong sabado ng gabi.
Base sa naging imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), pauwi umano sa condominium ang nasa loob ng elevator nang biglang magka aberya.
Dagdag pa nila, posibleng overloading ang naging dahilan ng pag tirik ng elevator.
“Sa nakita ko po doon, parang may overloading kasi parang siksikan sila. ‘Pag medyo marami na yung tao, ‘wag na masyadong makisiksik. Maghintay nalang po ng susunod,” sabi ni FO2 Leo Viado ng BFP San Juan City Fire Station.
Agad naman raw na nakapagtawag ng tulong ang mga nasa loob dahil mayroong signal sa elevator.
“Yung isang maintenance dun, nilagyan niya ng konting opening. Tapos tinutukan nila ng electric fan para pumasok yung air. Pero pagdating namin, finorcibly entry po ng spreader then bumuka yung elevator para makapasok yung mas maraming hangin,” dagdag pa ni FO2 Viado.
Pwersahan raw nilang binuksang ang pinto ng elevator dahil hindi mahanap ang mismong manual nito.
Pinayuhan naman ng awtoridad ang mga tao na kung sakaling ma-trap sa loob ng elevator ay huwag magpanic, bagkus ay humingi agad ng tulong sapamamagitan ng emergency signal ng elevator o tumawag sa emergency hotline number.