Patay ang tatlo katao habang sugatan naman ang siyam na iba pa makaraang tamaan ng kidlat sa Sitio Giragid, Barangay Magdalo, Banate, Iloilo.
Dead on arrival sa district hospital sa Barotac Viejo, Iloilo sina Mila Soberano, 38; Rosalie Soberano, 48; at isang 14-anyos na dalagita na nagdadalang-tao.
Kabilang rin sa mga namatay ang isang aso.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutanant Dandy Ilalto, hepe ng Banate Municipal Police Station, sinabi nitong bago ang insidente, abala sa pag-uuling ang mga biktima at dahil bumuhos ang malakas na ulan, sumilong muna ang 12 sa isang kubo na nasa gitna ng palayan.
Kuwento ng isa sa mga nakaligtas sa insidente, sa haligi sa bandang kusina ng kubo tumama ang kidlat kaya tumilapon silang lahat.
Sa panayam sa survivor, sinabi nitong masakit ang binti nito at masakit idilat ang mga mata.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa ospital ang siyam na kasamahan ng mga biktima na pawang residente ng Barangay Libertad, Banate, Iloilo kabilang na ang dalawang menor-de-edad.