-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 12 pasahero kasama ang isang buntis na pawang local tourist na katatapos lamang magbakasyon sa Boracay matapos na bumaliktad ang sinasakyang pampasaherong van dakong alas-2:50 ng hapon sa national highway na sakop ng Brgy. Tamalagon, Tangalan, Aklan.

Isinugod ang mga ito sa Aklan Provincial Hospital na kaagad na nakalabas sa pagamutan matapos malapatan ng lunas.

Nasa kostudiya ng Tangalan Police Station ang driver ng van na si Reynaldo Bingan, 48, residente ng Brgy. Sambag, Jaro, Iloilo City habang patuloy pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang aksidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagmula sa Caticlan, Malay at patungo sana sa Iloilo City ang sasakyan.

Ayon sa mga imbestigador, biglang nag-preno ang van upang iwasan ang nag-overtake na SUV, subalit nawalan ito ng balanse nang sumadsad sa gutter ang gulong dahilan na bumaligtad ng ilang beses hanggang na tumilapon sa palayan.