Inaabisuhan ang publiko na hindi ligtas kainin ang mga shellfish na makukuha mula sa 12 baybayin sa bansa matapos magpositibo sa nakakalasong red tide.
Batay sa inilabas na latest shellfish bulletin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), positibo sa toxic red tide o paralytic shellfish poison ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at San Benito sa Surigao del Norte.
Gayundin ang ilang lugar sa Samar kabilang ang Daram Island, Zumarraga Island, Irong-Irong Bay, Villareal Bay, Cambatutay Bay, at Maqueda Bay.
Kabilang din ang Matarinao Bay sa Eastern Samar, Cancabato Bay sa Leyte, Puerto Bay sa Puerto Princesa City, Palawan at Tungawan sa Zamboanga Sibugay.
Samantala, ligtas namang kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango sa nasabing mga lugar basta’t sariwa, nahugasang mabuti at natanggal ang hasang at intestines.