-- Advertisements --

Inanusyo na ng Angolan Basketball Federation ang pinal na line-up ng kanilang national team na sasabak sa darating na 2019 FIBA World Cup sa China.

Pangungunahan ng nagbabalik na 6-foot-9 big man na si Valdelicio Joaquim ang Angolan squad kahit na wala ito sa isinumiteng preliminary roster.

Ayon kay Joaquim, hindi raw ito kailanman tumanggi na maglaro para sa kanyang bansa at gagawin daw nito ang lahat upang makatulong.

“I have never refused to play for my country. I had just finished a contract in Argentina, and moved to France [to play for PRO B side Quimper]. I needed to concentrate and grab that opportunity,” wika ni Joaquim. “All I want now is to be integrated and help the team.”

Habang ang ibang mga miyembro ng Angolan cagers ay sina: Jose Antonio, Olimpio Cipriano, Leandro Jacques Conceicao, Gerson Domingos, Jerson Lukeny Goncalves, Hermenegildo Mbunga, Eduardo Mingas, Carlos Morais, Reggie Moore, Yanick Morais, at Leonel Paulo.

Bago ang World Cup, sasalang muna sa dalawang warm-up tournaments sa China at Korea ang eleven-time African champions.

Matapos nito ay sisimulan na nila ang kanilang kampanya sa group phase sa Foshan kontra sa European powerhouse na Italy at Serbia, at maging sa Gilas Pilipinas.

Matatandaang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na magagawa raw ng Pinoy team na magapi ang Angola sa nakatakda nilang pagtutuos sa Setyembre 4.

Ito’y matapos na mangantiyaw ang Pangulo na hindi umano uubra ang world No. 31 na Pilipinas sa World no. 13 na Italy.