Ilang araw bago ang pagsisimula ng Mahal na Araw, nagsagawa na ng inspection ang Maritime Industry Authority (Marina) sa mga pantalan na inaasahang dadagsain ng mga pasahero.
Pinangunahan ni Marina Administrator Sonia Malaluan ang ship inspection sa pantalan ng Batangas upang tiyaking nasusunod ang mga safety regulation, kapwa sa mga bibiyaheng barko at sa kabuuan ng puwerto.
Giit ni Malalauan, hindi dapat nakukumpromiso ang kaligtasan, kaya’t doble ang ginagawang inspection sa mga passenger vessel, pantalan, at lahat ng mga pasilidad na maaaring magamit ng mga pasahero.
Bagaman regular aniya ang ginagawang inspection sa mga barko, kailangang doblehin ito ngayong Mahal na Araw dahil sa inaasahan muli ang milyon-milyong kataon na dadagsa sa lahat ng mga pantalan sa bansa, lalo na sa mga malalaking daungan sa Mega Manila.
Ilan sa mga tinitingnan dito ay ang kapasidad ng mga passenger vessel, life-saving equipment, firefighting systems, makina, at seaworthiness ng bawat barko.
Kapag nakita ng inspecting team na may mga problema sa mga ito, kaagad ding ipinababatid sa mga may-ari, upang agad na matugunan.
Gayunpaman, kung may matukoy na paglabag ay panig ng mga shipowner o shipping companies, maaaring magresulta ito kaagad sa suspensyon ng biyahe o permit na bumiyahe.
Sa ngayon, pitong Marina team na ang nakadeploy sa buong bansa upang magsagawa ng inspection hanggang Abril-12.
Kabilang sa mga pangunahing babantayan ng mga ito ay ang Batangas, Lucena, Cebu, Bantayan Island, at Santander.